Napanatili ng Bagyong Samuel ang lakas nito habang kumikilos patungong West Philippine Sea.
Sa 4am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa 90 kilometro Hilaga Hilagang-Kanluran ng Puerto Princesa, Palawan.
Napanatili ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro bawat oras.
Kumukilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras sa direksyong pa-Kanluran at inaasahang lalabas na ng bansa mamayang gabi o bukas ng madaling-araw.
Sa ngayon ay nakataas na lang ang signal no.1 sa Palawan kasama ang Calamian Group of Islands.
Ibinabala pa rin ng weather bureau ang inaasahang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Palawan at Calamian islands.
Isa namang bagyo na nasa Tropical Storm category na ang binabantayan sa Silangan ng Mindanao.
May international name na ‘Man-yi’ ang bagyo at huling namataan sa layong 2,460 kilometro Silangan ng Mindanao.Inaasahan itong papasok ng PAR sa pagitan ng Linggo at Lunes at papangalanang ‘Tomas’.
Posible pa itong lumakas at umabot sa Typhoon Category bagaman inaasahang hindi tatama sa kalupaan.
Ngayong araw, magkakaroon lamang ng mahihinang pag-ulan sa Northern Luzon dahil sa epekto ng bagyong Amihan.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon maliban na lamang sa Bicol Region ay makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil sa mga kaulapang dala pa rin ng Bagyong Samuel.
Sa Bicol Region, buong Visayas at Mindanao naman ay maalinsangan na ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.