Labag sa Saligang Batas ang resolusyon na inihain ni Iligan City Representative Frederick Siao na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao nang anim na buwan.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Tom Villarin, hindi maaaring gawing basehan ang mga karahasang isolated o nangyayari lang sa ilang lugar dahil para ma-justify ang martial law ay kailangang umiiral ang rebelyon o invasion.
Kung iginigiit ni Siao na walang pagbabago sa Mindanao mula nang ilabas ang Proclamation Number 216 kaya kailangan itong i-extend ay nangangahulugan lang umano na nabigo ang militar sa pagsugpo sa terorismo.
Paliwanag pa ng kongresista, pinipigil ng batas militar ang mga residente sa Mindanao na makipagdayalogo upang magkaroon ng kontribusyon sa pagresolba sa problema.
Ang dapat aniyang intindihin ay ang mabagal pa ring rehabilitasyon ng Marawi City pati na ang suliranin ng libu-libong nawalan ng tirahan na ngayo’y nasa temporary shelters lang.