DepEd kinondena ang pamamaril sa isang guro sa Bulacan

PHOTO CREDIT: Jenyrose Benitez

Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilyang iniwan ng gurong napatay ng sundalong kinakasama nito sa isang paaralan sa Bocaue, Bulacan.

Ang biktima ay kinilalang si Melody Sta. Teresa habang ang sundalong suspek ay si Ruperto Datuin.

Ang insidente ng pamamaril ay naganap sa Tambubong Elementary School kahapon ng umaga, na nasaksihan mismo ng mga estudyante ng naturang guro.

Ayon sa DepEd, ang Schools Division Office o SDO ng Bulacan ay nakikipag-ugnayan na sa Philippine National Police sa probinsya para sa imbestigasyon sa motibo ng suspek o kung bakit niya nagawa ang krimen.

Giit ng ahensya, hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan sa mga eskwelahan.

Patuloy namang magpapatupad ang DepEd, katuwang ang ibang law enforcement agencies, ng mga hakbang upang matiyak na ligtas para sa mga mag-aaral at mga school personnel ang mga paaralan.

Kinumpirma rin ng DepEd na sasailalim sa pyschological debriefing ang mga estudyante na nakasaksi sa pagkasawi ng kanilang teacher sa loon mismo ng classroom.

Ang batang sugatan matapos madaplisan sa balikat ng bala ng baril ay nasa stable condition na, ayon sa ahensya.

Read more...