Naninindigan si Atty. Edna Batacan sa lahat ng kanyang naging pahayag sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa kanya.
Si Batacan ay sumalang sa JBC interview noonng mag-apply siya sa posisyon bilang Ombudsman.
Pero hindi ito ikinatuwa ng Office of the Ombudsman, kaya naman naghain sila ng reklamo laban kay Batacan sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Batacan, hindi pa niya nababasa ang reklamo. Pero kung anuman aniya ang nabanggit niya sa JBC interview, pinaninindigan niya ang mga ito dahil lahat daw ng mga iyon ay totoo.
Igiit din ni Batacan na walang hurisdiksyon sa kanya ang Office of the Ombudsman, dahil isa siyang “private citizen.”
Ito ang kanyang rason kaya hindi siya tumalima sa subpoena ng Ombudsman para pagpaliwanagin ukol sa mga nasabi nito sa JBC interview.
Noong June 20, 2018 sa pagsalang ni Batacan sa JBC, nabanggit niya na personal niyang naranasan na magbayad ng P50,000 para makakuha ng status sa kasong kanyang hinahawakan.
Paulit-ulit pang binanggit ni Batacan na ang Office of the Ombudsman ay “graft ridden office.”