Bagong istraktura tinatayo ng China sa pinag-aagawang teritoryo — US think tank

May itinatayo umano ang China na istraktura sa bagong bahura sa South China Sea ayon sa isang US think tank.

Ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative of Washington’s Center for Strategic and International Studies, nagtatayo ang China sa bagong lugar sa liblib na bahagi ng Paracel Islands na nasa pinag-aagawang South China Sea.

Halos okupado na umano ng China ang kabuuan ng nasabing strategic waterway.

Batay sa satellite images, makikita ang isang bagong istraktura sa Bombay Reef na tinabunan ng radome at solar panels.

Nakasaad sa pahayag ng grupo na hindi malinaw ang layon ng platform at radome pero posible umanong para ito sa military use.

Ang lugar ay malapit sa mga pangunahing ruta ng mga barko sa pagitan ng Paracels ay Spratly Islands na magandang lokasyon para makakolekta ng radar o signal.

Pero sinabi ni Foreign Ministry spokesman Geng Shuang na hindi pinagtatalunan ang soberenya ng China sa Paracel Islands at walang mali na may konstruksyon ang bansa sa teritoryo nito.

Read more...