Marcos Jewelry Collection, nakatakda nang isubasta ng BOC at PCGG

 

imelda-jewelry-colection
Inquirer file photo (2013)

Bubuo ng Inter-Agency Working Group (IWG) ang Bureau of Customs (BOC) at Presidential Commission on Good Government (PCGG) para pangasiwaan at pamahalaan ang nalalapit nang pagsusubasta sa mga alahas na kabilang sa “Roumeliotes Collection” na sinasabing pag-aari ng pamilya Marcos.

Bukod sa pakikipagugnayan sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa gagawing auction ng Marcos Jewelry Collection, itatalaga din nila ang IWG para bumuo ng Terms of Reference at kumuha ng auction services alinsunod sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act.

Sila rin ang mangangasiwa at magsasagawa ng mismong auction ng mga alahas, pati na rin ang pakikipagugnayan sa mananalong bidder.

Una nang nagpirmahan ang BOC at PCGG ng Memorandum of Understanding noong October 21, 2015 para maipangako ang pagsasakatuparan ng imbentaryo at auction ng Marcos Jewelry Collection.

Magugunitang nakuha ng BOC sa isang Amerikanong si Demetrious Roumeliotes, na isa umanong malapit na kakilala ng pamilya Marcos, ang malaking koleksyon ng mga mamahaling alahas na hinihinalang iligal na ilalabas sana ng bansa.

Tinatayang nasa $5-8 milyon ang halaga ng Marcos Jewelry kabilang na ang Roumeliotes Collection at Hawaii Collection na nasa kustodiya ng BOC, pati na ang Malacanang Collection, kung ibabatay sa 1991 valuation nito.

Tiniyak ng BOC at PCGG, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maisubasta nila sa mas malaking halaga ang mga alahas, kung saan ang pondong kikitain ng auction ay diretsong ibibigay sa National Treasury.

Read more...