Dating abogado ni Duterte kinasuhan ng Ombudsman

Mismong si Ombudsman Samuel Martires ang naghain ng reklamo laban sa abogadong si Atty. Edna Batacan sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sa reklamo ng Office of the Ombudsman, si Batacan ay lumabag sa Art. 212 ng Revised Penal Code o Corruption of Public Officials, at paglabag sa Ombudsman Act of 1989.

Ito ay kaugnay sa pagharap ni Batacan sa Judicial and Bar Council o JBC para sa kanyang interview nang siya’y mag-apply sa Ombudsman position.

Binanggit sa complaint affidavit ang paulit-ulit na pahayag ni Batacan na ang Office of the Ombudsman ay “graft- ridden office.”

Sinabi rin noon ni Batacan na tumatanggap daw ng pera ang mga opisyal at empleyado ng anti-graft body, kapalit ng impormasyon ukol sa estado ng ilang kaso o para makakuha ng kopya ng Ombudsman resolution.

May binanggit si Batacan sa JBC interview na nagbigay daw siya ng pera sa Ombudsman officials, upang makalikom ng impormasyon kaugnay sa status ng mga hawak niyang kaso.

Pinahaharap o nag-isyu ng subpoena ng Ombudsman para kay Batacan noong July 31, 2018 upang magpaliwanag sa mga alegasyon nito, pero no-show ang abogado at sa halip ay nagpadala lamang ng liham kung saan nakasaad na itinatanggi niya ang ilang akusasyon nito.

Katwiran pa ni Batacan, wala raw hurisdiksyon sa kanya ang Ombudsman.

Si Batacan ay nakilala sa pagiging dating abogado ni Pangulong Rodrigo Duterte, noong siya pa ang mayor ng Davao City.

Read more...