Patay ang isang babaeng teacher matapos bariling ng karelasyon niyang sundalo sa loob mismo ng classroom sa Bocaue, Bulacan.
Nangyari ang pamamaril, Miyerkules (Nov. 21) ng umaga sa Tambubong Elementary School sa Bocaue.
Batay sa pahayag ni Sr. Supt. Chito Bersaluna, ang provincial director ng Bulacan Police, habang nagka-klase ang guro ay pumasok ang sundalo sa classroom.
Nagtalo umano ang dalawa hanggang sa mabaril ng sundalo ang teacher.
Nagbaril din sa sarili ang sundalong kinilalang si Ruperto Datuin na ikinamatay din nito. May nakita umano sulat sa crime scene.
Kinilala ni Bersaluna ang nasawing guro na si Melody Sta. Teresa, 33-anyos. Hiwalay umano sa asawa si Sta. Teresa at mayroon itong tatlong anak.
Ayon kay Bersaluna, may isang estudyante na nadamay sa pamamaril pero nasa ligtas nang kalagayan.
Nagluluksa naman ang buong Tambubong Elementary School sa nangyari sa isa sa kanilang teacher, habang ang mga batang nakakita ng krimen ay isasalang sa debriefing dahil sa posibleng trauma o stress na kanilang naranasan.