VP Robredo, iginiit ang transparency sa mga kasunduan ng Duterte admin sa China

Umapela si Vice President Leni Robredo sa administrasyong Duterte na maging transparent sa lahat ng bilateral agreements nito sa China.

Ang pahayag ni Robredo ay sa gitna ng 2-day state visit sa Pilipinas ni Chinese President Xi Jinping, na mainit na sinalubong ng kaibigan nitong si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang statement, sinabi ni Robredo na marapat na alam ng mga Pilipino ang mga naturang kasunduan, gaya ng Memorandum of Understanding on the Belt and Road Initiative, the Infrastructure Cooperation Program, at ang Memorandum of Understanding on Cooperation on Oil and Gas Development.

Paalala ng bise presidente, tungkulin ng administrasyon na ipabatid sa publiko kung ano ang magiging interes at pakinabang ng sambayanan sa mga kasunduang iyon, lalo’t hindi lamang ito makakaapekto sa mga Pilipino sa ilalim ng Duterte admin, kundi sa susunod na mga henerasyon.

Pero maliban sa transparency sa bilateral agreements, hinimok ni Robredo ang administrasyon na tumitindig at gamitin ang lahat ng diplomatic means upang igiit ang sovereignty sa West Philippine Sea.

Ani Robredo, nagwagi na ang Pilipinas sa arbitral tribunal dalawang taon na ang nakalilipas. At kung anuman ang nilalaman ng mga bagong kasunduan ng ating bansa at China o ng ibang nasyon, hindi aniya dapat makompromiso ang ating soberenya.

Welcome kay Robredo ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China, subalit marapat aniya na unahin muna ng administrasyon ang interes ng mga Pilipino.

Read more...