Humiling ang ilang residente ng Iloilo City sa House of Representatives na ang boses ng mga consumer ang kanilang pakinggan at tuluyan nang ibasura ang apela ng Panay Electric Company(PECO) para sa kanilang legislative franchise renewal.
Sigaw ng mga residente na kung hindi pa sapat ang mga inilahad nilang reklamo laban sa PECO sa Energy Regulatory Commission(ERC) ay handa silang makipagdiyalogo sa mga mambabatas upang personal nilang maiparating ang kanilang reklamo kung ito ang syang makatutulong para tuluyan nang ibasura ng Kamara ang legislative franchise renewal application ng PECO.
Ang prangkisa ng PECO ay magtatapos sa Enero 18, 2019 at ang aplikasyon nito para renewal ay nanatiling nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchises.
Sinabi ng isang residente na si Hazel Fernandez, isang Ship Captain at residente ng Jaro, Iloilo City na saksi sya sa palpak na serbisyo ng PECO at sa katunayan,5 buwan syang nagpabalik balik bago naaksyunan ang inirereklamo nyang overcharging na aabot mula P4,000 pataas kada buwan.
Karaniwan din aniyang tumatagal ang reklamo ng mga consumers na hindi naaksyunan dahil walang sariling complaint desk ang PECO.
Para naman sa retired Iloilo teacher na si Mildred Jaromahum ng Barangay Sinikway, Iloilo City, katakot takot na stress at hindi pagkatulog ang sinapit nya dahil sa palpak na serbisyo ng PECO.
Aniya, P3,000 kada buwan ang kanyang bill sa kuryente ngunit noong 2017 ay umabot ito ng P114,375 at ang nais ng PECO ay bayaran nya ito ng installment.
Kaugnay nito umapela rin ang mga residente kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng kanyang kinatawan sa Iloilo City o opisyal mula sa ERC upang marinig ang kanilang mga reklamo matapos na rin sabihin ng pangulo na hindi sya pabor sa desisyon ng mga mambabatas na ibigay sa iba ang prangkisa ng PECO.