Nasa 3,000 katao inilikas dahil sa Bagyong Samuel

Umabot sa humigit-kumulang 3,000 katao ang inilikas ng mga awtoridad sa Central Visayas at Caraga region dahil sa bantang panganib ng Bagyong Samuel.

Bago pa man tuluyang manalasa sa Visayas at Mindanao ang bagyo, kabuuang 2,503 katao ang inilikas sa Surigao del Sur, Surigao del Norte at Dinagat Islands bilang pagsunod sa direktiba ng local disaster management officials.

Ang mga inilikas mula sa Dinagat Islands ay mula sa siyam na baranggay sa mga bayan ng Loreto, San Jose, Dinagat at Basilica.

Nananatili ang mga ito sa mga paaralan na ginawang evacuation centers.

Nagpatupad din ng preemptive evacuation ang local officials sa Surigao del Norte para sa walong barangay.

Pinakamalaki ang bilang ng evacuees sa Surigao del Sur na may 262 families o 1,346 katao mula sa anim na baranggay sa mga bayan ng Cagwait, Hinatuan at Carrascal.

Labing-anim katao naman ang inilikas sa Cebu habang 472 sa Bohol.

Ayon sa PAGASA, patuloy na magpapaulan ang Bagyong Samuel sa Western Visayas, Bicol Region, MIMAROPA at maging mga lalawigan ng Cebu, Negros Oriental at Timog-Quezon.

Read more...