2 drug suspek patay sa engkwentro sa Pasay City

Dead on the spot ang dalawang sinasabing mga tulak ng ipinagbabawal na gamot matapos makipagbarilan sa mga pulis sa loob mismo ng Pasay Public Cemetery sa Barangay 148, Pasay City.

Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang dalawang mga lalaking suspek.

Ayon sa mga elemento ng Pasay City Police, nag-iikot sila sa lugar nang lapitan ng isang concerned citizen at nagsumbong tungkol sa nagaganap na transaksyon ng iligal na droga sa panulukan ng Aurora Boulevard at Sergeant Mariano Street.

Agad na nagtungo sa nabanggit na lugar ang mga pulis upang berepikahin ang ulat ng residente.

Ikinagulat ng dalawang mga suspek ang presensya ng mga pulis, dahilan upang bumunot ang mga ito ng baril at paputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang pulisya na nagresulta sa agarang kamatayann ng dalawa.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang ilang mga sachet ng shabu, isang kalibre .45 baril, at isang kalibre .22 na revolver.

Nabatid na sa talamak ang bentahan ng iligal na droga sa loob ng Pasay Public Cemetery at ginagawa rin itong drug den.

Read more...