Karamihan ng mga Pinoy hindi sang-ayon sa kawalan ng aksyon ng pamahalaan sa WPS – SWS

Sa third quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na mula sa 81% ay nadagdagan ng 3 porsyento o nasa 84% ng mga Pinoy ang nagsabing mali ang kawalan ng aksyon ng gobyerno sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Kasabay nito, tumaas din ang bilang ng mga Pilipinong naniniwalang dapat palakasin ng bansa ang militariy capability, lalo na ng Philippine Navy.

Mula sa 80% noong ikalawang quarter ng 2018, tumaas ito sa 86%.

Ngunit bumaba naman nang bahagya ang bilang ng mga Pilipinong nagsabi na dapat dalhin ng pamahalaan sa international organizations gaya ng United Nation (UN) o Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang naturang isyu.

71% na lamang ang nagsabing tama ang naturang hakbang, tatlong puntos na mas mababa sa resulta ng survey noong Hunyo na nasa 74%.

Samantala, 87% naman ang nagsabi na importante para sa Pilipinas na mabawi ang kontrol sa mga pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Tumaas din ang bahagdan ng mga Pinoy na aware o alam ang usapin tungkol sa mga pinag-aagawang mga isla. Mula sa dating 81% noong Hunyo, tumaas ito sa 89% ngayong Setyembre.

Ginawa ang naturang survey ng SWS mula September 15 hanggang 23 sa 1,500 adults sa buong bansa.

Read more...