Makalipas ang siyam na taong paghihintay ay malapit nang makamit ng mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang hustisya.
Ayon kay Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, sinabi na umano ng prosecution panel na naisumite na para desisyunan ang kaso laban kay Datu Andal Unsay Ampatuan, Jr.
Ani Fadullon, inaasahan nang maglalabas ng promulgation sa kaso si Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Dagdag pa nito, ang prmulgation ay para sa kasong kinakaharap hindi lamang ni Ampatuan, ngunit maging sa iba pang mga akusado.
Ngunit ani Fadullon, hindi pa inaanunsyo ng korte ang eksaktong petsa kung kailan ilalabas ang naturang promulgation.
Nauna nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na inaasahang madedesisyunan ang naturang kaso sa unang quarter ng 2019. Sinabi rin nito na kumpyansa siyang guilty ang magiging hatol sa mga aksudo.
Sa kabuuan, 197 ang mga akusado at 103 ang sumasailalim sa pagdinig, sa pamamaslang sa 58 katao, 32 dito ay pawang mga mamamahayag.