Pagtanggal kay ABS Representative De Vera sa Kamara, ilegal ayon sa isang mambabatas

Tinawag na unconstitutional ni Arts, Business, and Science Professionals (ABS) party-list Representative Eugene Michael De Vera ang pagtanggal sa kanya bilang miyembro ng Kamara.

Sa panayam ng mga media sa mambabatas matapos ang sesyon kahapon, sinabi nito na tanging ang House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) lamang ang maaaring magsabi kung kwalipikado ba o hindi ang isang mambabatas, batay na rin sa nakasaad sa Article VI, Section 17 ng Saligang Batas.

Dagdag pa ni De Vera, walang hurisdiksyon ang kanyang kinaanibang party-list ukol sa kanyang panunungkulan bilang mambabatas.

Pahayag ito ni De Vera matapos sumulat ang Comelec Law Department kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at sabihing base sa pasya ng Comelec En Banc ay inaalis na ng ABS Partylist ang mambabatas bilang kanilang nominee.

Suportado naman ni Ilocos Norte 1st District Representative Rodolfo Fariñas si De Vera.

Ayon dito, hindi lamang Saligang Batas ang nilabag sa pagtanggal kay De Vera, ngunit maging sa jurisprudence at House Rules.

Sa isang pahayag, sinabi ni Fariñas na batay sa Rule II Section 4 ng House Rules, sinumang mambabatas na makukwestyon ang validity ng kanyang panunungkulan ay mananatiling miyembro ng Kongreso hangga’t walang final and executory judgement mula sa kaukulang judicial or administrative bodies.

Nakasaad din aniya sa Article VI, Section 16 (3) ng Konstitusyon na ang Kamara ang mayroong karapatang bumuo ng panuntunan tungkol sa pagsuspinde o pagtanggal ng kanilang miyembro ngunit kailangan muna nito ng kasunduan mula sa two-thirds ng lahat ng kanilang miyembro.

Read more...