Bumista sa Malakanyang si Chinese Foreign Minister Wang Yi, ngayong araw, Martes, November 10 para mag-courtesy call kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ang pagbisita ni Wang ay sa kasagsagan ng mainit pa ring isyu ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Unang nagtungo si Wang sa Department of Foreign Affairs (DFA) alas 8:35 ng umaga para makipagpulong sa kaniyang counterpart na si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Mula sa DFA office sa Pasay City, nagtungo sina Del Rosario at Wang sa Malakanyang kung saan mismong si Pangulong Aquino ang sumalubong sa Chinese Official.
Tumanggi si Del Rosario na tukuyin kung ano ang napag-usapan sa halos isang oras na pulong nila ni Wang pero sinabi nitong maganda ang kinahinatnan ng pulong.
Ang nasabing pulong sa pagitan ni del Rosario at Wang ang unang high-level talks sa pagitan ng China at Pilipinas simula ng sumiklab ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea noong taong 2012.
Simula 2013, bumisita na si Wang sa maraming bansa sa Southeast Asia pero hindi kasama sa pinupuntahan nito ang Pilipinas.
Kahapon ay kinumpirma ng China na darating sa bansa si President Xi Jinping para dumalo sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa November 18 at 19.