Pinawalang-sala na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taxi driver na si Ricky Milagrosa na inireklamo sa pamamagitan ng isang facebook post at inakusahang may kinalaman sa ‘tanim-bala’.
Si Milagrosa ay tinukoy sa facebook post ni Julius Neil Habana na may kinalaman umano sa pagtatanim ng bala sa bagahe ng kaniyang kaibigan.
Sa kaniyang post, sinabi ni Habana na sumakay sa taxi ni Milagrosa ang kaniyang kaibigan noong gabi ng October 29.
Si Milagrosa umano ang naglagay ng bagahe ng pasahero sa compartment ng taxi at nang tignan ang bagahe ay may nakita na silang bala.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, mas kapani-paniwala umano ang salaysay na ibinigay ng taxi driver na si Milagrosa.
Dahil hindi dumalo sa ikalawang araw ng pagdinig sa kaso si Habana upang magpaliwanag ay nagpasya ang LTFRB na patawan ito ng contempt at ipaaresto.
Ikinatuwa naman ng taxi driver ang naging pasya ng LTFRB dahil napatunayang wala siyang kinalaman sa tanim-bala.
Abswelto na rin sa isa pang kaso ng reklamo ng tanim-bala si Milagrosa dahil umatras na ang pangalawang nagrereklamo.
Nanawagan naman si Ginez sa publiko na maging maingat sa paggamit ng social media at huwag basta-basta mag-post ng mga alegasyon.