Matapos ang sunod-sunod na pagkakaharang sa mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagdadala ng bala, sinabi ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na mistulang lumilitaw na ang pagdadala nila ng bala ay dahil sa naniniwala sila sa anting-anting.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, pinangatwiranan ni DOTC Sec. Jun Abaya ang sunod-sunod na insidente ng pagharang sa mga pasahero nitong nagdaang linggo dahil sa pagdadala nila ng bala.
Ayon kay Abaya, karamihan sa mga nahaharang na pasahero ay umaamin na ang dala nilang bala ay kanilang anting-anting at ang iba naman ay souvenir.
“Ang mga matatandang nadidiskubreng may ammunition ay sinasabi nilang kanila ‘yun anting-anting nila, so ibig sabihin walang nagtatanim, walang naglalaglag, kusa nilang dinadala itong mga bagay na ito dahil naniniwala sila na proteksyon nila sa buhay ito,” ayon kay Abaya.
Patuloy naman ang babala ni Abaya sa mga pasahero na kung live ammunition ang nakuha sa mga pasahero, kailangan silang sampahan ng kaso, pero kung basyo lamang ang makukuha sa kanila ay kukumpiskahin lamang ito at papayagan silang makabiyahe.
Bagaman marami sa mga nahuli ay umaming anting-anting nga nila ang dalang bala, sinabi ni Abaya na patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa mga reklamong laglag o tanim bala sa NAIA.
Katunayan ang pagsibak sa hepe ng Aviation Security Unit – NCR ay bahagi aniya ng standard operating procedures dahil nga may mga reklamo laban sa mga Airport Security personnel.
Tuloy-tuloy din aniya ang paglalagay ng dagdag na CCTV sa mga screening areas para maiwasan ang pangingikil ng mga tauhan ng airport security at dagdag seguridad na rin sa mga pasahero.
Muling iginiit ni Abaya na sa ngayon wala pang nakikitang ebidensya ang DOTC na may nagtatanim nga ng bala sa NAIA.
Bagaman hindi aniya nawawala ang mga reklamo ng extortion laban sa ilang tauhan, tiniyak naman ni Abaya na iniimbestigahan ang mga inirereklamo.
Katunayan sinabi ni Abaya na simula nang maupo sa pwesto si Office for Transportation Security (OTS) Administrator Roland S. Recomono, umabot na sa 65 ang bilang ng mga OTS personnel na nasibak dahil sa iba’t-ibang uri ng reklamo na kanilang kinakaharap.