Bubuksan na sa Huwebes, Nov. 22 ang kauna-unahang container barge terminal sa bansa na Cavite Gateway Terminal sa Tanza, Cavite.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), sinimulang itayo ang barge terminal noong nakaraang taon sa ilalim ng BUILD BUILD BUILD program ng pamahalaan.
Layon ng CGT na maibiyahe ang mga cargo mula sa mga international port sa Metro Manila patungong Cavite at mga kalapit na port facilities sa Luzon gamit ang RoRO o Roll-on, Roll-off operations.
Sa sandaling maging fully operational na ang terminal ay inaasahang makababawas ito sa masikip na daloy na traffic sa Metro Manila.
Ito ay dahil ang mga cargo at container trucks ay sa tubig na idadaan at hindi na sa kalsada.
Inaasahang 140,000 na biyahe ng mga truck ang mababawas sa kalsada taun-taon kapag nagamit na ang barge terminal.