Computer shops sa QC na tumatanggap ng estudyante sa oras ng eskwela, ipasasara

Com ShopIpasasara na ng Quezon City Council ang mga computer shops sa lungsod na tumatanggap ng mga estudyante kahit oras ng pasok sa eskwela.

Ayon kay Quezon City Councilor Bong Suntay, sa ilalim ng Quezon City Ordinance Number 2163, nakasaad ang mga estudyante lalo na ang mga menor de edad ay pwede lamang pumasok sa mga Internet shops sa pagitan ng alas 4:00 ng hapon hanggang alas 11:00 ng gabi.

Nakasaad din sa kautusan na dapat ay papasok lamang ang mga bata sa mga computer shops para gumawa ng school projects o assignment.

Ayon sa City Council, nakatatanggap sila ng maraming reklamo mula sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay lumiliban sa klase para makapaglaro ng computer games.

May mga natanggap ding report ayon kay Suntay na ang iba ay sumisilip pa sa mga porn o violent websites.

Kabilang sa mga sumbong at ulat na natatanggap ng Quezon City Council ay may mga estudyante na nasa edad 10 ang nakikitang madalas sa mga Internet shops.

Ang mga Internet shops na lalabag sa Ordinance No. 2163 ay pagmumultahin ng P2,000.

Pero sa ikatlong paglabag ay papatawan ito ng P5,000 multa, kakasuhan ang may-ari at ipasasara na.

Read more...