Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 665 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Makararanas ng maulap na kalangitan na may katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Caraga, Davao Region at Eastern Visayas dulot ng bagyo.
Mahina hanggang sa katamtaman at minsan ay may kalakasang mga pag-ulan naman ang mararanasan sa Bicol Region at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao dahil pa rin sa bagyo.
Ibinabala ng weather bureau ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa naturang mga lugar.
Nakataas ngayon ang public storm warning signal number 1 sa Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte at Dinagat Island Province.
Samantala, apektado naman ng northeast monsoon o Hanging Amihan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay mararanasan ang maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.