Bagong escalators sa MRT magagamit na sa Disyembre, pero elevators, problema pa rin

MRT3Matatapos na sa buwan ng Disyembre ang paglalagay ng mga bagong escalator sa mga istasyon ng Metro Rail Transit (MRT).

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Jun Abaya, nai-award na ang kontrata para sa labing-dalawang schindler escalators.

Inaasahang sa Disyembre, mailalagay na ang nasabing mga bagong escalators sa mga istasyon ng tren. “Ang malinaw ay may labing-dalawang schindler escalators, halos isa kada istasyon iyan, nai-award na iyan at matatapos na by December,” ayon kay Abaya.

Pero sinabi ni Abaya na mananatiling problema pa rin ng mga pasahero ng MRT ang mga sirang elevator.

Paliwanag ni Abaya, ‘obsolete’ na kasi ang teknolohiyang ginagamit sa mga MRT elevators kaya hindi na kayang palitan ang mga piyesang sira.

Sa halip sinabi ni Abaya na papalitan na ang kabuuan ng mga elevators dahil gagamitan na ito ng bagong teknolohiya.

Muli namang humingi ng pang-unawa si Abaya sa publiko sa mga nararanasang problema sa MRT.

Aminado din ang kalihim na long overdue na ang magandang serbisyong inaasam-asam ng publiko sa MRT. “Marami kaming ginagawa, maraming improvement, bagaman alam ko na may karapatan ang ating mga kababayan na mainip dahil long overdue na itong magagandang serbisyo na dapat maranasan na nila, pero patuloy ang pagkilos natin, gumagalaw kami sa DOTC,” paliwanag ni Abaya.

Read more...