Trump binisita ang California matapos ang wildfires

Bumisita sa California si US President Donald Trump upang alamin ang lawak ng pinsalang iniwan ng itinuturing nang pinakamalalang wildfire na naganap sa kasaysayan ng naturang US state.

Umabot na sa 71 katao ang nasawi sa naturang trahedya matapos marekober ang pito pang bangkay sa bayan ng Paradise.

Patuloy na nililibot ng mga militar at ng forensic teams kasama ang mga cadaver dogs ang pinangyarihan ng wildfires.

Ayon kay Butte County Sheriff Kory Honea, 1,011 na ang bilang ng tao na nawawala ngunit posible pa anya itong magbago.

Walong araw nang patuloy na inaapula ng mga bumbero ang sunog na sa ngayon ay 50 percent contained pa lamang.

Ayon sa fire officials, posibleng hanggang sa katapusan ng buwang ito ay hindi pa maideklarang fully under control ang sunog.

Nakatakda namang makipagkita si President Trump sa mga survivors ng wildfires pati sa mga bumberong patuloy na umaapula rito.

Nauna nang isinisi ni Trump ang forest mismanagement sa naganap na wildfires.

Read more...