Supermarket owners nagbabala sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin

Inquirer file photo

Nangangamba ang mga supermarket owners na maapektuhan ang kanilang negosyo dahil sa bantang truck holiday ng grupo ng truck drivers at operators.

Ikinakasa ng mga truck driver ang tigil operasyon simula sa Lunes (Nov. 19) bilang protesta sa naka-imbak na container na walang laman sa mga pier sa Maynila at maging sa pressure ng Department of Transportation na palitan ang mga lumang delivery truck.

Ayon kay Teddy Gervasio,  pangulo ng Inland Haulers and Trucker Association imbes na maubos ang oras ng kanilang mga delivery truck sa paghihintay sa labas ng pantalan ay nagpasya silang itigil muna ang delivery o paghahatid ng mga produkto.

Babala pa ni Gervasio, hindi malayong maulit ang nangyaring port congestion noong 2014 kung saan hindi halos gumagalaw ang mga delivery trucks na patungong pier na naka-apekto hindi lamang sa daloy ng trapiko na umabot hanggang NLEX kundi naging sanhi din ng pagtaas sa presyo ng ilang mga bilihin.

Para naman kay Steve Cua ng Philippine Amalgamated Supermarket Associations,  tiyak na magkakaproblema sa supply ang kanilang mga distributor kapag itinuloy ang tigil-biyahe.

Maaari din aniya iyong magresulta sa pagtaas ng presyo lalo’t nalalapit ang holiday season kung saan tumataas ang demand ng ilang mga produkto.

Read more...