Mga taga-PECO pinagpapaliwanag ng mga opisyal ng Iloilo City

Ipatatawag ng Sangguniang Panlunsod ng Iloilo ang management ng Panay Electric Company (PECO) para papaliwanagin sa mga pahayag ni PECO legal counsel Atty. Inocencio Ferrer kamakailan na hihinto sila sa pagseserbisyo sa mga konsumidor kapag hindi sila mabigyan ng prangkisa ng Kongreso.

Nabahala ang mga opisyal at tinawag na iresponsable at pambablackmail sa mga Ilonggo ang statement na ito ng abogado ng PECO kung saan magtatapos na ang prangkisa sa Enero 18, 2019.

Ayon sa konseho ng Iloilo, hindi dapat takutin ng PECO ang mga konsumidor dahil kasalanan nila kung bakit hindi sila mabibigyan ng prangkisa at ito ay dahil sa dami ng reklamo sa pabaya nilang serbisyo.

Naniniwala ang mga ito pangangatawanan ng pamilya Cacho ang kanilang sinabi sa Senate Committee on Public Services hearing noong nakaraang buwan kung saan ipinasiguro nila na itutuloy nila ang serbisyo.

Sa Nobyembre 29 ang pagpapatawag sa PECO dahil gusto nitong marinig mismo sa mga taga-PECO ang kasiguraduhan ng pagpapatuloy ng serbisyo nito hanggang sa makapasok na ang kung sino man ang mabigyan ng prangkisa.

Sa ngayon ay nasa Committee on Legislative Franchise pa rin ng House of Representatives ang application ng PECO dahil sa dami ng reklamo laban sa kanila.

Samantala nakaakyat na sa Senado at isasalang na sa 2nd reading ang application ng MORE electric and power company bilang bagong distribution utility sa Iloilo City.

Inimbitahan naman ni Iloilo City Mayor Joe Espinosa III si Senador Grace Poe para pag usapan ang mga plano kung sakaling magkaroon na ng transition mula sa PECO papuntang MORE power.

Iimbitahan din nito ang iba pang sector sa syudad para mapakinggan ang magiging paliwanag ni Poe.

Read more...