Anim na biktima ng human trafficking ang naharang ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) at mga kawani ng Clark International Airport na palabas sana ng bansa papunta sa South Korea gamit ang mga pekeng travel documents.
Ayon kay Immigration commissioner Jaime Morente, ang anim na biktima na hindi nito kinilala ay pawang mga kababaihan. Naharang ang mga ito noong November 8 bago makasakay sa Jinair flight na papunta ng Incheon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ni-recruit ang mga kababaihan bilang entertainer sa isang night club sa South Korea at may hawak na mga entertainer visa.
Gayunman, hindi tumutugma ang ipinakita nilang mga overseas employment certificate sa database ng BI.
Isang babae na nakilala lamang sa pangalang Mercy ang sinasabi ng mga biktima na nagproseso ng kanilang mga dokumento.
Ang mga biktima ay nai-turnover na sa inter-agency council against trafficking para sa kaukulang imbestigasyon.