Kumpyansa si Senate President Tito Sotto na maipapasa ng Kongreso ang 2019 national budget bago sumapit ang Pasko.
Ibinahagi ni Sotto na napag usapan nila ni House Majority Leader Rolando Andaya, Jr., ang P3.757 trillion proposed General Appropriations Act para sa susunod na taon.
Aniya ginarantiyahan naman sa kanya ni Andaia na walang re-enacted budget para sa susunod na taon.
Nagkakaroon ng reenacted budget kapag nabigo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na ipasa o ibasura ang proposed national budget.
Partikular na nabanggit ni Sotto na maaaring sa susunod na linggo ay nasa Senado na ang proposed national budget.
Magugunita na pinag awayan ng ilang kongresista ang re-alignment ng sinasabing naisingit na P51.7 bilyong pork barrel.
Ang sesyon sa Senado at Kongreso ay pansamantalang matatapos sa Disyembre 15 para sa holiday break ng mga mambabatas.