Nababahala na si Senator Ping Lacson sa mga pagpatay sa mga lokal na opisyal sa lalawigan ng La Union.
Ayon kay Lacson dapat ay tutukan na ng Philippine National Police (PNP) ang lalawigan dahil ito na ang pumapalit sa Abra sa isyu ng patayan tuwing election season.
Aniya may pattern na sa mga naganap na patayan sa La Union at dapat ay bantayan na ng pambansang pulisya ang mga gun for hire groups.
Dagdag pa ni Lacson na hindi na bagong kuwento ang pagkakasangkot o pagkuha ng mga lokal na opisyal din ng mga hired killers.
Aniya kapag may namatay na kandidato ang unang napapagdudahan naman ay ang kalaban sa politika.
Kahapon ay tinambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy nina Balaoan, La Union Mayor Aleli Concepcion at ang kanyang ama na si Vice Mayor Alfred Concepcion.
Namatay sa ambush si Vice Mayor Concepcion at ang kanyang bodyguard samantalang malubha namang nasugatan ang alkalde.
Kamakailan lang ay napatay rin sa pamamaril sa nasabing lalawigan si dating Cong. Eupranio Eriguel at si Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing.