LPA na binabantayan sa Karagatang Pacifico, isa nang ganap na bagyo

Nalusaw na ang low pressure area (LPA) na tumama sa Silangan ng Mindanao kahapon ngunit kasabay nito ay isa ring panibagong sama ng panahon ang namuo.

Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagong LPA sa layong 370 kilometro Timog-Timog-Kanluran ng Puerto Pricesa, City, Palawan o kasalukuyang nasa gitna ng Sulu Sea.

Malawak ang kaulapang dala ng LPA na nakasasakop pa rin sa Palawan, Visayas at Mindanao ngunit inaasahan na itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.

Samantala, isa nang ganap na bagyo ang binabantayang sama ng panahon sa may karagatang Pacifico.

Huli itong namataan sa layong 2,715 kilometro Silangan ng Mindanao taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong pa-Kanluran at posibleng pumasok na ng PAR bukas ng gabi o kaya ay Linggo ng Umaga at pangangalanang ‘Samuel’.

Samantala, ngayong araw, dahil sa epekto ng LPA, ang Palawan, buong Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Sulu Archipelago ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Dahil naman sa Hanging Amihan, makararanas ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang Batanes at Babuyan Group of Islands.

Sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Read more...