Malacañang: Day 2 ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit produktibo

Nestor Corrales | Inquirer

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na naging makabuluhan at produktibo ng ikalawang araw na pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN Summit sa Singapore.

Ito ay sa kabila ng kabiguan ng punong ehekutibo na makadalo sa ilang events sa summit.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nakadalo ang pangulo sa 21st ASEAN-China Summit, 3rd ASEAN-Russia Summit at sa 21st ASEAN-Japan Summit.

“The Palace is pleased to announce that President Rodrigo Roa Duterte had a fruitful and productive participation in today’s ASEAN-related events. He attended the 21st ASEAN-China Summit, the 3rd ASEAN-Russia Summit, and the 21st ASEAN-Japan Summit,” ani Panelo.

Pinagunahan umano ng pangulo ang pagiging dialogue coordinator ng Pilipinas sa pagitan ng ASEAN at China sa 21st ASEAN-China Summit kung saan iginiit nito ang pagtatapos ng negosasyon para sa Code of Conduct sa South China Sea.

Para naman sa 3rd ASEAN-Russia Summit ay iginiit ng pangulo na kailangan ang mas malalim na ugnayan ng security agencies ng Russia at ASEAN para labanan ang terorismo, extremism, at transnational crimes.

Ginamit naman ni Duterte ang pagkakataon para pasalamatan ang Japan sa 21st ASEAN-Japan Summit sa tulong na ibinigay nito sa mga biktima ng Bagyong Ompong.

Iginiit ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Japan at ASEAN para harapin ang mga problemang kinahaharap sa climate change at mga kalamidad.

Nagkaroon din ng pulong si Pangulong Duterte kay Singaporean Prime Minister Lee Hsieh Loong.

Read more...