Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na ipagpatuloy ang lahat ng pagsusumikap para mapanatili ang pag-unlad ng buong rehiyon.
Sa working dinner kasama ang kapwa mga lider ng ASEAN, sinabi ng pangulo na ang regional bloc ay patuloy na sinusubok.
Gayunman, sa kabila ng mga kalamidad ay nananatili anya ang pagtutulungan ng bawat miyembro ng ASEAN na nagpapakita ng katatagan at determinasyon.
Tiniyak ng pangulo na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat para suportahan ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapabilis sa programa sa imprastraktura.
Hinimok ng presidente ang ASEAN member states na suportahan ang sarili nitong mga mamamayan pati ang micro, small at medium enterprises sa rehiyon.
Samantala, iginiit naman ni Duterte ang pagpapalakas sa kooperasyon mga bansa upang labanan ang terorismo, radikalisasyon, piracy, human at drug trafficking.
Sa pamamagitan anya nito ay mas matatamo ang kapayapaan, katatagan at seguridad ng buong ASEAN.