Matapos ang kaliwa’t kanang puna at batikos sa itinatayong footbridge sa Kamuning, Quezon City, napagdesisyunan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na baguhin ang disenyo nito.
Matatandaang nag-viral sa social media ang naturang footbridge kung saan ilan sa mga bansag dito ay ‘Mount Kamuning’ at ‘Stairway to Heaven’.
Sa isang press briefing, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na lalagyan na ng pangalawang landing at railings ang tulay upang solusyonan ang pagiging matarik at makipot nito.
Mayroon anyang nagpadala sa MMDA ng bagong disenyo para sa tulay na ipinaaral sa kanilang engineers at naging positibo naman anya ang tugon para rito.
Bagaman bago ang disenyo ay pananatilihin naman ang taas nito na nasa 40 talampakan.
Dahil dito, posibleng hindi matuloy sa November 27 ang pagbubukas sa footbridge ngunit tiniyak ng MMDA na bubuksan ito bago matapos ang taon.