Pinag-iisyu ni Iligan City Rep. Frederick Siao ng ‘note verbale’ ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa gobyerno ng South Korea kasunod ng pagkakalusot ng limampu’t isang containers na puno ng basura sa Tagoloan Port, Misamis Oriental.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, sinabi ni Siao na ilang buwan ring nakatengga sa pantalan ang mga kontrabando bago nalaman ng Bureau of Customs (BOC) na basura ang laman nito.
Dapat din anyang ipasara ang consignee na Verde Soko Philippines Industrial Corporation at panagutin ang mga sangkot sa pagpupuslit ng container vans at imbestigahan ng South Korea ang naturang shipment at tiyaking hindi na ito mauulit.
Dapat din anyang igiit ang Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and their Disposal kung saan lumagda ang parehong bansa para sakaling walang gawing aksyon ang South Korea ay maaaring gumawa ng hakbang ang pamahalaan na naaayon sa procedures ng kasunduan.
Nabatid na walang import permit ang mga naturang kontrabando at sinasabing misdeclared kaya nakalusot sa Customs at natagpuan na lang sa isang warehouse sa Cagayan De Oro City.