Diskwalipikado umano si dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos na makakuha ng presidential pardon.
Ayon kay Senador Francis Escudero, hindi pa final at executory ang desisyon ng Sandiganbayan na guilty si Marcos sa 7 counts ng graft.
Ang pag-apela aniya ng kaso ay magdidiskwalipika rin kay Marcos na makakuha ng pardon.
Pahayag ito ni Escudero sa gitna ng lumutang na posibilidad na bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pardon ang dating Unang Ginang kahit sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panel na ispekulasyon at premature pa ang isyu.
Pero sinabi ng senador na walang basehan ang pardon dahil disqualified para dito si Marcos.
Isa aniya sa grounds ng pardon ay dapat walang nakabinbin na kaso o apela ang akusado ukol sa kanyang conviction.
Dapat muna aniyang maging pinal ang conviction bago makunsidera ang pardon.