Dedesisyunan na ng Sandiganbayan ang tatlong dekadang P200 billion forfeiture case laban kay dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos at kanyang pamilya.
Ayon sa Sandiganbayan Fourth Division, submitted for decision na ang civil case ni Marcos kaugnay ng umano’y nakaw na yaman ng kanyang pamilya.
Ito ay matapos magsumite ang magkabilang panig ng kani-kanilang summary of arguments.
Noong May 8 ay nagsumite ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Sandiganbayan ng memorandum habang ang kampo ng mga Marcos ay nagsumite noong July 31.
Kasama sa civil case ang mga anak ng dating Unang Ginang na sina Imee, Bongbong, at Irene bilang defendants.
Ang kaso ay bahagi ng 23 pending cases sa Sandiganbaya ng pamilya Marcos at kanilang mga crony.
Sa kasong inihain noong 1987 at inamyendahan noong 1990, nais ng OSG na marekober ang umanoy nakaw na yaman ng mga Marcos na tinatayang nasa P200 billion at magbayad ang mga ito ng bilyong pisong halaga ng danyos.