Pinakakasuhan ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao Representative Robert Ace Barbers na sampahan ng kaso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga sinasabing narco-politicians na tatakbo sa darating na 2019 elections.
Ayon kay Barbers, kailangang may matibay na ebidensya at sampahan muna ng kaso ang mga narco-politicians bago ilabas ang narco-list.
Kapag nasampahan na ng kaso ay agad na ilabas sa publiko ang narco-list nang sa gayon ay magkaroon ng ‘informed choice’ ang taumbayan para hindi na iboto sa 2019 midterm election ang mga kandidatong sangkot sa droga.
Nangangamba ang mambabatas dahil noong May 2018 barangay election ay may mga nanalong kandidato na kasama sa narco-list.
Hanggang maaga anya at mayroong panahon pa ay dapat gawin na ito ng DILG upang maikampanya para huwag iboto sa halalan sa susunod na taon.
Pahayag ito ni Barbers kasunod ng plano ni DILG Secretary Eduardo Año na ilabas ang bagong listahan ng mga narco-politicians na dawit sa iligal na droga.