Magnolia tinalo ang Ginebra sa PBA Governors’ Cup

Nagwagi ang Magnolia Hotshots kontra Ginebra Gin Kings sa kanilang naging tapatan kagabi para sa PBA Governors’ Cup.

Natapos ang laro sa iskor na 101-97 pabor sa Magnolia.

Bagaman 2-0 ang win-loss record ngayon ng Hotshots at nangunguna sa Final Four ng torneo ay hindi nagpapakampante ang koponan.

Ayon kay Magnolia head coach Chito Victolero, magsisilbing inspirasyon para sa koponan ang kanilang kasalukuyang standing.

Aniya, noong semifinals ng Philippine Cup noong nakaraang taon, 2-0 din ang kanilang win-loss record ngunit natalo pa rin sila. Kaya naman aniya, titiyakin nilang hindi na mauulit ang nangyari noong 2017.

Hindi naman nakatulong sa Ginebra ang pagpapaalis sa kanilang coach na si Tim Cone siyam na minuto bago matapos ang laro. Ito ay dahil sa kanyang pakikipagtalo sa mga game officials.

Si Romeo Travis ang nanguna sa Hotshots sa pamamagitan ng kanyang 25 points, 12 rebounds, at seven assists.

Sinundan naman siya ni Ian Sangalan na nakapagbigay ng 17 points.

Para naman sa Gin Kings, si Justin Brownlee ang nanguna matapos nitong makapagtala ng 31 points.

Read more...