Faeldon sa pagiging “no show” umano sa BuCor: Wala pang official appointment sa akin

INQUIRER FILE PHOTO | EDWIN BACASMAS

Wala pa umanong official appointment kay Nicanor Faeldon bilang direktor ng Bureau of Corrections (BuCor).

Reaksyon ito ni Faeldon kasunod ng pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra noong nakaraang linggo na nagsasabing “no show” si Faeldon sa BuCor mula nang italaga ito doon.

Ayon kay Faeldon, wala pang appointment na pinag-uusapan dahil wala pang opisyal na papel na nagtatalaga sa kaniya sa pwesto.

Kahit man lang aniya anunsyo ng kaniyang appointment ay hindi pa naman ginagawa ng Malakanyang at tanging si Guevarra lamang ang nagsabi ng posibleng appointment ni Faeldon sa BuCor noong Oct. 12.

Ani Faeldonm sa kaniyang mga naging pwesto sa pamahalaan ay wala siyang rekord ng pagiging “no show” o pagliban ng walang dahilan.

Katunayan aniya, isang araw matapos siyang i-release ng Senado sa pagkaka-detain sa kaniya sa Pasay City Jail ay agad siyang nagtrabaho sa Office of the Civil Defense.

Ani Faeldon, magiging katawa-tawa naman siya kung mag-aassume siya sa pwesto sa BuCor nang walang appointment.

Una rito, noong nakaraang linggo, sinabi Guevarra na hindi pa nagpapakita si Faeldon sa BuCor mula nang italaga siya sa pwesto.

Dagdag pa ni Guevarra na ipinarating na niya kay Exec. Sec. Salvador Medialdea ang hindi pagpasok sa BuCor ni Faeldon.

 

Read more...