Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Finance Asst. Secretary Tony Lambino, sa ilalim ng rekomendasyon, ipinanukala ng DOF kay Pangulong Duterte na huwag na lang munang ipatupad ang P2 kada litro ng excise tax sa diesel at gasolina sa Enero.
May probisyon kasi sa TRAIN law na pwedeng suspindehin ang pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng excise tax kapag lumagpas ng 80 dollars sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan ang presyo ng Dubai crude oil.
Pero ayon kay Lambino, kahit bumababa na ang presyo ng Dubai crude oil, tuloy ang rekomendasyon nila na suspindehin ang excise tax.
Ang Office of the President na lamang aniya ang magpapasya kung ipatutupad ang suspensyon.
Samantala, kung mayroong probisyon sa TRAIN law sa suspensyon ng excise tax sa oil products ay wala namang probisyon na nagsasaad sa pag-alis ng suspensyon kung bababa ang halaga ng produktong petrolyo.
Dahil dito, sinabi ni Lambino na pag-aaralan pa ng DOF kung ano ang maaring gawin hinggil sa usaping ito.