Mga manggagawa napipilitang magbawas ng binibiling pagkain dahil sa inflation — labor group

Nag-aalala ang isang labor group dahil marami sa mga manggagawa sa buong bansa ang bumibili ng mas kakaunting pagkain dahil sa pagtaas ng inflation.

Sa isang pahayag, sinabi ng Associated Labor Unions (ALU) na ang mababang gross domestic product (GDP) ay nagreresulta sa tinatawag ng Ateneo School of Government na ‘shrinkflation’ kung saan ang mga pamilyang Pilipino ay nagbabawas sa pagkain para lamang makaagapay sa mga mahal na bilihin.

Batay umano sa datos mula mismo sa pamahalaan, mayroong pagbababa sa binibiling mga pagkain at iba pang basic commodities.

Sa huling tala, nasa 9.7% na ang food inflation, 8% sa transport inflation, at 4.6% sa electricity at fuel inflation.

Ayon pa kay ALU vice president Luis Corral, sa apat na magkakasunod na linggong pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi man lang bumaba ang inflation sa buong bansa at nananatili lamang sa 6.7%.

Sa katunayan ay nagkaroon pa ng dagdag sa singil sa kuryente ang Meralco para sa buwan ng Nobyembre.

Kaya naman ayon sa ALU, bagaman mayroong P25 wage hike para sa mga manggagawa sa Metro Manila ay hindi pa rin ito sasapat para sa mga pangangailangan ng bawat isang pamilyang Pilipino.

Ayon naman kay ALU spokesperson Alan Tanjusay, para sa mga labor-intensive jobs, kakailanganin ng nasa P800 hanggang P850 kada araw na sahod upang mamuhay sa taas ng poverty threshold, makaagapat sa inflation, at manatiling produktibo sa trabaho.

Hinimok ni Tanjusay ang pamahalaan na tumulong sa mga manggagawa, sa pamamagitan halimbawa ng pagbibigay ng food and non-cash food voucher subsidy.

Read more...