Posibilidad ng pagbibigay ng pardon kay Imelda Marcos tinawag na speculative ng Malacañan

Masyado pang maaga ayon sa Palasyo ng Malacañan upang ikabahala ng publiko ang posibilidad na bigyan ng presidential pardon si dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte 2nd District Representative Imelda Marcos matapos itong hatulang guilty ng Sandiganbayan para sa kasong graft.

Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ‘speculative’ ang mga naging pahayag ng ilang sektor tungkol sa pagbibigay ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos.

Ayon kay Panelo, ang kapangyarihan ng isang pangulo na maggawad ng pardon ay para sa mga taong na-convict ‘by final judgement.’

Ngunit sa kaso ni Marcos, hindi pa ito maituturing na final.

Aniya pa, sinabi na ng kampo ng dating Unang Ginang na gagawa sila ng ligal na hakbang upang mabaliktad ang desisyon ng Sandiganbayan o ng mas mataas na hukuman.

Sinabi pa ni Panelo na bago magbigay ng presidential pardon si Duterte, hihingi muna siya ng rekomendasyon mula sa Board of Pardons and Parole (BPP) na isang sangay ng Department of Justice (DOJ).

Paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo, trabaho ng BPP na pag-aralan kung eligible ba ang isang convict para bigyan ng pardon.

Ani Panelo, marami pang dapat ikunsidera si Pangulong Duterte bago niya maaaring gamitin ang kanyang kapangyarihang magbigay ng pardon.

Read more...