Edad ni Imelda Marcos hindi rason para hindi ito makulong — VP Robredo

Hindi dapat gawing rason ang edad ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte 2nd District Representative Imelda Marcos para hindi ito makulong ayon kay Vice President Leni Robredo.

Sa kanyang radio program na BISErbisyong Leni, sinabi ni Robredo na malakas pa ang pangangatawan ni Marcos kaya naman kaya pa nitong lumagi sa piitan.

Inihalimbawa ng pangalawang pangulo ang pagpunta ni Marcos sa Kongreso para sa mga session, pagkandidato nito bilang gobernador, maging ang pagpunta sa party. Kaya naman aniya, hindi balakid ang edad ng dating Unang Ginang.

Samantala, sinabi rin ni Robredo na ang hatol na guilty kay Marcos ay isang patunay lamang na taliwas sa mga sinasabi ng ilang kakampi ng pamilya, maraming mga krimen ang nangyari sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Aniya, dahil sa naturang hatol ay tila nabigyan na ng hustisya ang mga biktima ng umiral noon na batas militar.

Umaasa naman si Robredo na bagaman plano ng kampo ni Marcos na maghain ng apela upang baligtarin ang hatol ay pagtibayin ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Sandiganbayan.

Read more...