Nais ng Department of the Interior and the Local Government (DILG) na kusa nang sumuko sa mga otoridad ang punong barangay ng Barangay 350 sa Santa Cruz, Maynila na nambugbog ng isang menor de edad.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, isang public servant si Felipe Falcon Jr. kaya naman alam nito na dapat niyang akuin ang responsibilidad sa kanyang ginawa.
Pagtitiyak ng kalihim, dadaan sa due process si Falcon na nanggulpi ng isang 16 gulang na binata matapos mapagkamalang kagawad ng barangay.
Babala ni Año, magsasagawa ang DILG ng hiwalay na imbestigasyon tungkol sa insidente. Bukod pa ito sa isasampa nilang kasong administratibo laban kay Falcon at mga kasamahan nitong kagawad.
Posible rin umanong ituloy ng binata ang paghahabla ng kaso sa Ombudsman laban sa mga ito na magreresulta sa kanilang pagkakasuspinde sa serbisyo.