Tiniyak ng Palasyo ng Malacañan na hinahanapan na ng paraan ng gobyerno upang solusyunan ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ito ay matapos lumabas sa third quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) na nasa 22% ang adult joblessness rate sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kabilang sa mga nakikitang solusyon ng pamahalaan upang matugunan ang paglobo ng bilang ng mga walang trabaho ang pagdevelop sa human resources.
Aniya, sa pagkakatalaga ni bagong Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director-general Isidro Lapeña ay kumpyansa ang Palasyo na mapapaganda ang industry-relevant competencies ng mga kabataan na lumiban na sa pag-aaral.
Sa pamamagitan aniya ng skills training ay mas magkakaroon ng oportunidad para makakuha ng trabaho ang mga ito.
Dagdag pa ni Panelo, sa pamamagitan naman ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mapapadali ang proseso sa pagbuo ng negosyo na magbubukas din ng pinto para sa mga walang trabaho.
Ayon pa sa tagapagsalita ng pangulo, hindi titigil ang pamahalaan upang matugunan ang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa. Aniya pa, layunin din ng gobyerno na mapataas ang labor participation ng mga kabataan at kababaihan.