NDFP, gustong makipagpulong kay Pang. Duterte

 

File photo

Gustong makipagpulong ng ilang peace negotiators ng National Democratic of the Philippines o NDFP kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagbuhay sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay NDFP Peace Panel Chairman Fidel Agcaoili, nakatakda siyang bumiyahe patungong Pilipinas ngayong buwan ng Nobyembre.

Ito ay kaugnay sa kanilang trabaho bilang miyembro ng NDFP component  sa Joint Monitoring Committee, sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

Makakasama niya rito si Luis Jalandoni, ang senior adviser ng NDFP Negotiating Panel.

Dagdag ni Agcaoili, may meeting din sila sa bagong Norwegian Ambassador to the Philippines.

Bagama’t maraming schedule, sinabi ni Agcaoili na umaasa siyang may pagkakataon para makapulong din nila si Pangulong Duterte maliban na lamang daw kung ayaw nito o tutulan ito ng militar.

Ang pahayag ni Agcaoili ay kasunod ng pagkakaaresto ng mga pulis at pagkulong kay NDFP peace consultant Vicente Ladlad.

Nakumpiska kay Ladlad ang iba’t ibang uri ng armas, pero ayon sa kampo nito ay may naganap na “tanim-baril” at inimbento lamang daw ng mga otoridad ang kaso laban sa kanya.

 

 

 

Read more...