Umabot sa 9.8 milyong Pilipino ang walang trabaho sa 3rd quarter ng 2018 batay sa panibagong Social Weather Stations (SWS) survey.
Batay sa resulta ng survey, lumabas na 22 percent ang adult joblessness kung saan 2.3 points na mas mataas kumpara sa naitalang 19.7 percent noong June 2018.
Mula sa kabuuang bilang, 9.2 percent o katumbas ng 4.1 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho, 8.4 percent o 3.7 milyong Pilipino ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho habang 4.4 percent o 2 milyon ang naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon.
Naitala ang pinakamataas na joblessness rate sa Metro Manila na may 26.4 percent kung saan 6.9 points itong mas mataas kumpara sa 19.4 percent noong June 2018.
Sa Balance Luzon naman, 22.9 percent ang joblessness kung saan 3.5 points na mas mataas kumpara sa 19.3 percent noong June.
Tumaas din ng .6 points ang joblessness sa Visayas na may 19.6 percent.
Bumaba naman ito sa Mindanao na may 19.7 percent mula sa dating 21.2 percent noong June.
Samantala, lumabas sa survey na mas mataas ang bilang ng mga walang trabahong babae na may 32.8 percent kumpara sa mga kalalakihan sa 14.3 percent.
Pareho itong tumaas kumpara noong June 2018.
Isinagawa ang survey sa 1,500 respondents na may edad 18 pataas mula September 15 hanggang 23 ng kasalukuyang taon.
Mayroong sampling error margins ang survey na ±3 percent sa national percentages, ±4 percent sa Balance Luzon at tig-±6 percent sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.