Isang linggo bago ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leader’s Meeting sa bansa nagpahabol pa ng mga donasyon ang Estados Unidos para magamit ng Philippine National Police sa anti-terrorism.
Tinanggap ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez mula kay Thomas McDonough, ang regional security officer ng US Embassy sa pamamagitan ng US diplomatic security at office of anti-terrorism assistance ang mga kagamitan at sasakyan para naman sa PNP Explosives and Ordnance Division.
Ang donasyon ay kinabibilangan ng tatlong explosive incident counter measure robots, anim na pick-up trucks, siyam na post blast investigation kits at 20 explosives incident counter measures kits.
Nabatid na taon 1986 pa tumutulong ang dalawang ahensiya ng Amerika sa Pilipinas kaugnay sa anti-terrorism campaign.
Kabilang sa pagtulong ang pagbibigay ng EOD at K9 facilities sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama na ang anim na bomb detector dogs at veterinary clinic.