Romualdez kay PNoy: “Huwag magdamdam kapag nagrereklamo ang mga taga-Tacloban”

Ixsa
Kuha ni Isa Avendaño-Umali

Konting pang-unawa ang hinihingi ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa administrasyon Aquino kung marami pa ring mga residente ng lungsod ang nagrereklamo at nagsasabing wala silang natatanggap na tulong.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Romualdez na kahit dalawang taon na ang nakalilipas matapos manalasa ang bayong Yolanda, marami pa rin sa mga residente ang hirap maka-move on.

Hindi naman aniya ito nakapagtataka dahil hindi naman talaga biro ang sinapit ng mga residente ng Tacloban City.

Apela ni Romualdez kay Pangulong Aquino at sa mga miyembro ng gabinete, huwag namang isipin na hindi naa-appreciate ng mga taga-Tacloban ang mga tulong na dumadating sa kanila kapag sila ay naglalabas ng kanilang hinaing. “Konting understanding ang hinihingi ko sa Aquino administration, kapag may narinig silang reklamo ng mga tao dito, wag naman isipin na we are ungrateful,” ayon kay Romualdez.

Sinabi ni Romualdez n asana ay isipin na lamang ni PNoy na parang mga anak niya ang mga dumadaing na residente at naglalambing ng tulong sa kaniya bilang ama.

Muli namang iginiit ni Romualdez na labis-labis ang pasasalamat ng Tacloban City sa lahat ng tulong na naibigay sa kanila ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor.

“Kaya nga ako nag-aappeal sa kaniya (President Aquino), huwag siyang magdamdam kapag may nadinig siya, isipin lang niya na parang anak lang niya na humihingi ng tulong, we appreciate all the help that they’ve been doing,” dagdag pa ni Romualdez.

Read more...