Ito ang pahayag ng Miss Earth Cuba na si Monica Aguilar kaugnay ng umano’y sexual harassment na naranasan ng ilang mga kandidata.
Sa kanyang Instagram Account, nagpost si Aguilar ng mahabang pahayag bilang reaksyon sa paratang nina Miss Canada, Miss Guam, at Miss England laban sa isang sponsor.
Paliwanag ng beauty queen, hindi siya naniniwala sa paghingi ng pabor para magkaroon ng titulo o manalo sa contest.
Katunayan aniya, madali namang tumanggi sa anumang alok ng sinuman bilang sexual favors at ginawa naman daw niya ito.
Hindi rin daw niya maituturing na sexual harassment ang alok na magtungo ng Boracay na naranasan daw niya at tinanggihan.
“In conclusion, sexual harassment was not present in any shape or form, and the team managers did an outstanding job at keeping us safe. The Miss Earth Organization, especially Peachy [Veneracion] and Laurianne [Shuck] have done everything in their power to keep us safe and I think the world, or the earth rather, needs to know what really went on!” ayon sa IG post ni Aguilar.
Gamit ang kaniyang Instagram Account ibinunyag ni Miss Earth Canada Jaime Vandeberg ang naranasan umano niyang sexual harassment sa kasagsagan ng Miss Earth pageant na ginanap kamakailan sa Pilipinas.
Hindi pinangalanan ni Vendeberg ang naturang sponsor na aniya ay ilang beses siyang tinawagan para hingin ang kaniyang hotel at room number.
Ilang ulit umano niyang nakita ang nasabing ‘sponsor’ at may pagkakataon na sinabihan siya nito na kaya siyang alagaan at palusutin sa pageant kapalit ng ‘sexual favors’.
Ang alegasyon ni Miss Canada ay sinuportahan pa nina Miss Guam at Miss England.