Hindi pa nagpapakita sa Bureau of Corrections (BuCor) si Nicanor Faeldon mula nang italaga siya doon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang direktor.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra, ipinagbigay-alam na niya kay Executive Secretary Salvador Medialdea sa isinagawang cabinet meeting noong Martes ang hindi pagpapakita sa BuCor ni Faeldon.
Sinabi ni Guevarra na wala ring binabanggit sa kaniyang kahit na ano o hindi siya kinakausap ni Faeldon tungkol sa hindi nito pagpasok sa BuCor.
Sinabi ng kalihim na nangako si Madialdea na ipararating ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit naman wala si Faeldon, tiniyak ni Guevarra na tuloy ang normal function sa BuCor.
Mayroon naman aniyang OIC na gumagawa ng trabaho ni Faeldon.
October 12 nang ianunsyo ang paghirang ni Pangulong Duterte kay Faeldon bilang BuCor director.
Pinalitan niya si dating PNP Chief Ronald Dela Rosa na naghain ng kandidatura para tumakbong senador.